Pinunto ng Philippine Center on Transnational Crime na hindi red notice mula sa International Criminal Police Organization o Interpol ang ginamit nila sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kundi ‘red diffusion’ notice.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni PCTC Executive Director Anthony Alcantara na ang dumating sa kanila ay isang red diffusion notice na katumbas na rin halos ng isang ‘red notice.’
Pinaliwanag ni Alcantara na may iba’t ibang uri ng diffusion notice mula sa Interpol. Sa ilalim ng red diffusion notice, hindi lang impormasyon ang hinihingi, katumbas aniya ito ng isang wanted person notice.
Pinaliwanag rin ni Alcantara na ang diffusion ay para lamang sa bansang sumasaklaw sa indibidwal na nahaharap sa kaso habang ang red notice ay sumasaklaw na rin sa lahat ng bansang miyembro ng Interpol.
Agad rin aniyang binigay sa mga law enforcement agencies gaya ng NBI, PNP, BI, at DOJ ang diffusion mula sa Interpol dahil mayroong urgency. | ulat ni Nimfa Asuncion