Matagumpay na nasagip ng Philippine Navy ang nasa 26 na nakaligtas sa paglubong ng isang motor launch, M/L Bangsata malapit sa isla ng Taganak sa Tawi-Tawi kamakalawa.
Batay sa ulat ng Navy, unang namataan ng Singapore-flagged tanker EONIA ang naturang bangka at agad itong ipinabatid sa mga awtoridad.

Ito ang nagtulak sa Naval Monitoring Station Tagana at patrol craft PC390 para rumesponde at magkasa ng rescue mission.
Nang makarating na ang mga tauhan Navy sa lugar sa layong17 nautical miles, timog-silangan ng Taganak island, nakita ang mga survivor na nakakapit sa debris ng lumubog na bangka.
Agad silang isinakay ang mga ito kung saan, binigayan sila ng tulong medikal, pagkain at pamalit na damit.

Nang makarating sa pampang, naiturnover ang mga survivor sa Taganak Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa ibayong atensyong medikal.
Samantala, mayroon pang 6 na nasagip ang isang Malaysian vessel at nakikipag-ugnayan na rito ang Navy para sa kanilang ligtas na pagbabalik. | ulat ni Jaymark Dagala