Aabot sa 1,469 na mga sasakyan ng Philippine National Police (PNP) ang ipinakalat sa buong bansa para magbigay ng libreng sakay sa mga maaapektuhan ng transport strike.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na tatlong araw na tigil-pasada ng grupong MANIBELA simula March 24 hanggang March 26.
Ayon kay PNP Spokesperson at Police Regional Office 3 Director Police Brigadier General Jean Fajardo, bukod dito ay nag-deploy din ang pambansang pulisiya ng 48,555 na mga pulis para matiyak ang seguridad at kaayusan sa panahon ng transport strike.
Tiniyak naman ng PNP na patuloy nilang paiiralin ang maximum tolerance sa mga kalahok sa aktibidad.
Samantala, sinabi ni Fajardo na walang naitatalang ano mang insidente ng karahasan kaugnay sa tigil-pasada at nananatiling generally peaceful ang sitwasyon sa buong bansa. | ulat ni Diane Lear