Nahuli ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang puganteng pulis matapos na ilegal na dumaan sa EDSA Carousel Busway.
Sa report ng SAICT, nangyari ang insidente sa kasagsagan ng rush hour sa bahagi ng Main Avenue EDSA Southbound lane ngayong araw.
Nasita ang suspek matapos na dumaan sa busway. Sa halip na sumunod, nagtangka itong tumakas at nagpakilalang pulis upang takutin ang mga awtoridad.

Dito na humingi ng tulong ang SAICT sa CIDG para beripikahin ang record ng pulis, at natuklasan na may nakabinbing warrant of arrest para sa kasong rape na inilabas pa noong February 22, 2016.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP-CIDG sa Camp Crame ang pulis para sa kaukulang proseso habang kinumpiska naman ng SAICT ang kanyang lisensya. | ulat Diane Lear