Kinumpirma ni Quezon City Police District (QCPD) Acting Director, Police Colonel Melecio Buslig Jr., na nasampahan na ng patong-patong na kaso ang pulis na sangkot sa insidente ng road rage, na nauwi sa pamamaril at pagkamatay ng isang motorista noong March 20, 2025 sa Tandang Sora Avenue, Brgy. Old Balara, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakagitgitan ng biktimang si Ronnie Casero Borromeo ang truck na minamaneho ng suspek na isang pulis na nakatalaga sa Batasan Police Station (PS 6).
Dahil dito, bumaba ang suspek at nilapitan niya sina Borromeo at Hagos upang komprontahin subalit sa gitna ng kanilang pagtatalo, kumuha umano si Borromeo ng bakal at ipinalo sa suspek, kaya agad naman itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga biktima.
Kusa namang sumuko ang suspek sa mga pulis na nakatalaga sa Commonwealth Avenue kasabay ng pagsuko rin sa baril na kanyang ginamit.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong Murder; Frustrated Murder; at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at B.P. 881 (Omnibus Election Code) alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11067.
“Nakikiramay po ang QCPD sa mga naulilang pamilya ng nasawing biktima at hangad namin ang paggaling ng isang biktima na ngayon ay nasa ospital pa.
Sisiguraduhin nating ang batas ay ipapatupad nang patas at walang kinikilingan, lalo na kung ang isang pulis ang nasasangkot sa isang krimen,”pahayag ni PCol. Buslig. | ulat ni Merry Ann Bastasa