Naniniwala ang ilang lider ng Kamara, na dapat paigtingin ng Philippine National Police ang kanilang recruitment process partikular na sa pagsusuri sa mental capacity ng mga nais pumasok sa pambansang pulisya.
Kasunod ito ng panghihikayat umano ni Patrolman Francis Steve Fontillas sa mga kapwa pulis na mag-aklas kasunod ng pagkaka aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, na kailangan maghigpit na ang PNP sa patakarang matukoy ang psychological capacity ng mga recruit.
Ipinalala pa ni Adiong, na salig sa Omnibus Election Code at kahit na sa sariling ethical standard ng PNP ay binibigyang diin ang pagiging apolitical ng mga miyembro nito
“Kasi kailangan talaga yung, I think we need the PNP has to make a very strong measure in determining the psychological capacity of all the recruits. Kasi of course bibigyan mo yan ng baril, bibigyan mo siya ng responsibility,” ani Adiong.
Sinang-ayunan ito ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega.
Bukod aniya sa pisikal na pangangatawan ng mga recruit, dapat na ring bigyang diin o bigat ang pag-iisip bago sila tanggapin.
“Kailangan na rin pong bigyan ng weight saka emphasis po ‘yong other po na criteria like ‘yong on the mental side saka maganda po na ‘yong evaluation nito is parang mas ano talaga mas sabi nga ni cong. zia baka kailangan na mas may improvement or may mas — stringent ‘yong pagpili natin,” ani Ortega.
Ayon sa Medical and Dental Unit (DMDU) ng Quezon City Police District kinakitaan ng mental health ‘red flag’ si Fontillas. | ulat ni Kathleen Forbes