Mariing binatikos ni House Assistant Minority leader Arlene Brosas ang pahayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na kinokonsidera niyang magtago sakaling maglabas nga ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC), kaugnay sa kaniyang naging papel sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Giit niya, tila nanlambot na ang dati ay matikas at matapang na opisyal na pinagtatanggol ang madugong giyera kontra illegal na droga.
Bagay aniya na nagpapakita na guilty ang opisyal.
“Nanlambot na yata si Bato, takot na mahuli ng ICC…This is the same person who boasted about killing drug suspects and defended the drug war’s brutality. Now that justice is knocking at his door, he’s planning to run and hide. Nasaan na ang tapang niya ngayon?” tanong ni Brosas.
Kasabay nito ay hinimok ng lady solon ang pamahalaan na ilagay na sa Immigration watchlist si Dela Rosa upang hindi na magaya kina Atty. Harry Roque at Alice Guo na nakatakas.
“The Marcos Jr. administration must not allow Dela Rosa to do a Harry Roque or Alice Guo escape. Placing Dela Rosa on a watchlist is the bare minimum,” ani Brosas. | ulat ni Kathleen Forbes