Pinahaharap ng Korte Suprema si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo sa oral argument ukol sa blangkong items sa bicameral conference committee report ng 2025 national budget.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, inobliga ng Korte Suprema na humarap si Quimbo sa pagpapatuloy ng oral argument patungkol sa isyu sa Abril 1, 2, at 3, 2025.
“Ipinag-utos ang pagdalo at presensya ng mga miyembro ng Technical Working Group ng Senado at House of Representatives,” saad pa ni Rodriguez sa kanyang Facebook post.
Nagsampa ng petisyon si Rodriguez sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang legalidad ng 2025 budget dahil sa nadiskubreng blangkong items sa bicam report ng Kamara at Senado.
Magugunitang si Quimbo ang dating vice chairperson ng Committee on Appropriations na bumisisi sa 2025 national budget.
Naupo si Quimbo bilang chairperson ng Committee on Appropriations matapos magbitiw ang dating chairman na si Zaldy Co.
Samantala, tinawag naman ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo si Quimbo na mas masahol pa sa pinalitan nito na si Co.
Binansagan pa ni Panelo si Quimbo na poster girl ng “unexplained wealth” dahil sa maluhong pamumuhay matapos maging miyembro ng Kongreso, mula sa pagiging karaniwang guro.
Una nang nanawagan si Panelo sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang yaman ni Quimbo, kasabay ng pagkuwestiyon kung saan nakuha ng mambabatas ang pera para masuportahan ang kanyang maluhong pamumuhay. | ulat ni DK Zarate