Kinokonsidera na ngayon ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pagtatago at hindi pagsuko sa mga awtoridad oras na maglabas na ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Giit ni dela Rosa, kung makikita niyang wala talaga siyang makukuhang hustisya ay wala rin siyang dahilan para sumuko.
Titimbangin aniya ng senador ang kanyang magiging aksiyon batay sa magiging paninindigan ng Korte Suprema.
Isa ring opsyon na kinokonsidera ngayon ng senador ay ang pagpapakanlong sa Senado para hindi siya maaresto.
Una nang ipinahayag ni Senate President Chiz Escudero na papayagan niyang manatili sa Senado si dela Rosa para maiwasang maisilbi ang warrant of arrest pero ito ay hanggang sa magawa lang aniya ng senador ang mga remedyong legal na dapat nitong gawin kaugnay ng kanyang kaso.
Sa ngayon ay tiniyak ni dela Rosa na nasa Pilipinas pa rin siya.
“Kasama ‘yan sa courses of action na puwedeng gawin … Well kung wala tayong makita na hustisya dito sa ating bansa, bakit ka susuko ‘di ba?…Titingnan natin, I will evaluate. As I have said, I will cross the bridge when I get there … Nasa Pilipinas ako, nangangampaniya ako, umiikot ako.” — Sen. Bato dela Rosa. | ulat ni Nimfa Asuncion