Arestado ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang nasa 17 miyembro ng armadong grupo makaraang mapigilan ang tangka nilang pananabotahe sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.

Ito’y kasunod ng isinagawang joint operations ng Army’s 90th Infantry Battalion, Ampatuan Municipal Police Station at Provincial Mobile Force Company ng Maguinandao Provincial Police Office sa Brgy. Kapinpilan, bayan ng Ampatuan.

Ayon kay 90th IB Chief, LtCol. Loqui Marco, nagresulta ang naturang operasyon sa pagkakasamsam ng mga matataas na kalibre ng armas gaya ng dalawang M16 at apat na M14 rifles gayundin ng Improvised Explosive Device (IED).
Pinapurihan naman ni Army’s 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Commander, MGen. Donald Gumiran ang maagap na aksyon ng mga sundalo at pulis.

Muli namang nanawagan si Gumiran sa publiko na huwag mag-atubiling i-ulat sa kanila ang anumang mga kahina-hinalang aktibidad na magiging banta sa kanilang seguridad gayundin sa kaayusan at kapayapaan sa kanilang komunidad. | ulat ni Jaymark Dagala