Inilatag ng mga pambato ng administrasyon sa Senado ang ‘Tatak Alyansa’ na magiging bentahe nila para makuha ang boto ng mga taga-Laguna.
Sabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na siyang campaign manager ng koalisyon, binuo ang Alyansa base sa kapabilidad at track record ng mga senatorial candidate upang matulungan ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“itong mga piniling kandidato ay ‘yong talagang makakatulong based on their past track records at ‘yong legislative record, executive record na kapag pinagsama sama natin ay talagang makakaubo ng magandang plano at hindi lang plano magagawa talaga na matulungan ang ating Pangulo,” ani Tiangco.
Sabi naman ni Sen. Francis Tolentino, bawat isa sa kanila ay makakatulong sa pagpapaunlad ng Laguna, lalo na aniya at 5% ang ambag ng Laguna sa GDP ng Pilipinas.
“Kung naghahanap ka ng tatak Alyansa, siguro kasama rin ‘yan at kasama rin po yung napag-usapan natin na sisiguraduhin po ng team namin na yung pangunguna ng Laguna lalong lalo na yung kontribusyon nito sa ating gross domestic product halos 5 percent ay mananatili at siguro po yung pag balance po ng pangangailangang agrikultura ng urban planning at ng mga nabanggit kanina patungkol sa pagbaha,” sabi ni Tolentino.
Sinusugan ito ni dating Sen. Ping Lacson.
Aniya kung Tatak Alyansa ang pag-uusapan, lagi aniya ito kinakanta ni Andrew sa kanilang mga kampayan, at ito ay kaunlaran.
“Tatak Alyansa? Araw araw naririnig namin kay Andrew E. para sa… Kaunlaran,” ani Lacson.
Hirit pa ni dating Senate President Tito Sotto, wala nang mga OJT sa Alyansa at patunay dito ang kanilang track record at karanasan.
“very short but eksakto sa tanong mo. Track record, experience, dito sa line-up ng Alyansa walang OJT. Walang mag aaral, walang on the job training kaya garantisado,” diin ni Sotto.
Tinatayang may 1.4 million na botante sa Laguna na kabilang sa sampung vote rich province sa bansa. | ulat ni Kathleen Forbes