Bantay sarado ng Quezon City Traffic and Transport Management Department ang patuloy na transport strike ng grupong MANIBELA na tumututol sa transport modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay QC Traffic Czar Dexter Cardenas, na-monitor ang aktibidad ng mga ito sa ilang bahagi ng lungsod kabilang ang Philcoa, Shell Gulod, at University of the Philippines.

Tiniyak naman nitong sumusunod ang grupo sa mga alituntunin sa trapiko, para hindi maantala ang daloy ng mga sasakyan para sa kapakanan ng mga motorista at commuter.

Kaugnay nito, siniguro din nitong magpapatuloy ang QC Libreng Sakay Bus Augmentation Program ng pamahalaang lungsod, para magbigay ng libreng transportasyon sa mga pasahero bilang tugon sa epekto ng transport strike.

Gayundin, nakatalaga ang mga E-trike at E-Bus sa National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road upang tumulong sa mga pasaherong maaapektuhan at palakasin ang serbisyo ng Q City Buses. | ulat ni Merry Ann Bastasa