Sinibak na sa pwesto ang tatlong pulis na sangkot sa viral video ng umano’y pananakit sa loob ng Pasuquin Municipal Police Station sa Ilocos Norte.
Ayon kay Police Major Sheryll Guzman, Acting Chief ng Provincial Community Affairs and Development Unit ng Ilocos Norte, sinibak din sa pwesto ang hepe ng Pasuquin MPS dahil sa command responsibility.
Batay sa imbestigasyon, ang tatlong pulis ay duty investigator nang maganap ang insidente kahapon..Kung mapatutunayang nagkasala, maaari silang maharap sa kasong Conduct Unbecoming of a Police Officer, na may parusang pagkakasuspinde o tuluyang pakakatanggal sa serbisyo.
Batay sa uploader ng video, humingi ng tulong sa Pasuquin MPS ang kanyang stepfather matapos atakihin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Sa halip na tulungan, sinaktan umano sila ng mga pulis at pinagsisipa pa ang kaniyang stepfather.
Kinondena ng Ilocos Norte Police Provincial Office ang insidente, at kasalukuyang iniimbestigahan na ito upang mapanagot ang mga mapatutunayang nagkasala. | ulat ni Diane Lear