Kinumpirma ni Eastern Police District (EPD) Director, Police Brigadier General Villamor Tuliao na isinailalim na sa restrictive custody ang walong tauhan nito.
Ito ay matapos na masangkot ang mga naturang EPD Police dahil sa maanomalyang operasyon laban sa isang Chinese national sa loob ng exclusive subdivision sa Las Piñas City, noong Abril 2, 2025.
Paliwanag ng EPD Chief, walang koordinasyon ang operasyon ng mga pulis at wala rin silang mga suot na body camera sa paghahain ng arrest warrant laban sa Chinese, na target ng operasyon.
Sa pagharap sa mga mamamahayag ngayong hapon, sinabi ng mga kapatid ng biktima na sina “CS” at “Kitty” na hindi lamang simpleng harassment ang ginawa sa kanila.
Anila, nangingikil din ang mga pulis ng P12 milyon para sa kalayaan ng hinuling Chinese national at nabisto ring may malaking halaga ng pera ang kinulimbat ang mga pulis tulad ng ilang gold bars at mamahaling relo.
Kaya naman mahaharap sa patong-patong na kasong kriminal at administratibo ang mga naturang pulis na posible pa nilang ikatanggal sa serbisyo. | ulat ni Jaymark Dagala