Pinag-iingat ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang publiko laban sa aktibong recruitment ng New People’s Army (NPA) gamit ang online platforms at social media.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad, kanilang ikinagulat ang pagbuhay muli ng mga komunista sa isang lumang video sa social media para gamitin nilang recruitment material.
Bukod dito, sinabi pa ni Trinidad na ginagamit din ng mga NPA ang social media platforms, online games, messaging apps at iba pang digital spaces upang linlangin at manipulahin ang publiko partikular na ang mga kabataan.
Binigyang-diin pa ni Trinidad na iligal ang ganitong mga gawain at malinaw na isa itong banta sa kapayapaan gayundin sa kaayusan ng bansa.
Kasabay nito, hinimok ni Trinidad ang mga Pilipino lalo na ang mga kabataan na maging mapanuri sa mga napapanood nila online at huwag magpalinlang sa matatamis na salitang binibitawan ng mga iyon. | ulat ni Jaymark Dagala