Umarangkada na ang COPE Thunder Exercise sa pagitan ng Philippine Air Force at US Pacific Air Forces ngayong araw.
Ito ay ang taunang pagsasanay sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na layuning mapatibay ang kooperasyon at interoperability ng dalawang bansa.
Ayon kay Air Force Spokesperson, Col. Ma. Consuelo Castillo, ginawa ang opening ceremony ng COPE Thunder sa Clark Air Base sa Mabalacat, Pampanga.
Ang 1st iteration ng pagsasanay ay magtatagal hanggang Abril a-18 habang ang 2nd iteration ay nakatakda namang gawin sa Hunyo.
Tampok sa nasabing pagsasanay ang FA-50 fighter jets ng Air Force matapos alisin ang grounding order rito makaraang bumagsak sa bulunduking bahagi ng Bukidnon ang isa sa mga yunit nito na ikinasawi ng 2 piloto.
Ginawa ang COPE Thunder, ilang linggo bago naman isagawa sa Pilipinas ang BALIKATAN Exercises 2025. | ulat ni Jaymark Dagala