PNP News Release
Inutusan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil, ang agarang pag-relieve sa Eastern Police District (EPD) Director at buong District Special Operations Unit (DSOU) dahil sa mga mabigat na alegasyon ng extortion at grave misconduct na kinasasangkutan ng pagkaka-aresto sa dalawang Chinese nationals sa Las Piñas City.
Walong personnel mula sa DSOU ang kasalukuyang nasa restrictive custody matapos masangkot sa malalang paglabag sa proseso at extortion. Nagsampa na ng mga kasong kriminal bilang bahagi ng hindi matitinag na determinasyon ng PNP na managot ang lahat ng mga nagkasala—walang exemption.
“Hindi na ito tungkol lamang sa mga pasaway na opisyal—ito ay isang kabiguan ng pamunuan,” pahayag ni Gen. Marbil. “Kapag bumagsak ang disiplina, nagsisimula ito sa itaas. Ang mga lider ay kailangang panagutin sa pinakamataas na pamantayan ng accountability.”
Tiniyak ni Gen. Marbil na walang second chances sa mga involved.
“Ang mga kasangkot dito ay dapat tanggalin agad sa serbisyo at permanente nang ma-disqualify sa anumang posisyon sa gobyerno. Kung mapapatunayan na may pananagutan ang director sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility, hindi na siya pagkakatiwalaan sa anumang posisyon ng pamumuno,” giit niya.
Nagbigay ng matinding babala si Gen. Marbil sa lahat ng police commanders sa buong bansa:
“Ang mga ito ay isang malinaw at panghuling paalala. Kung hindi niyo kayang panatilihin ang disiplina at magturo ng integridad sa inyong mga hanay, wala kayong lugar sa organisasyong ito. Ang command responsibility ay hindi isang slogan—ito ay isang mandato.”
Binigyang-diin pa ni Gen. Marbil na ang bawat opisyal, anuman ang ranggo, ay may tungkuling panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng pampublikong serbisyo.
“Ang badge na isinusuot niyo ay hindi proteksyon para sa abuso—ito ay simbolo ng tiwala ng publiko. Kung ibabetray niyo ang tiwalang ito, kayo ay tatanggalin, ipakukulong, at parurusahan ng buong bigat ng batas,” aniya.
Inutusan ng PNP Chief ang Internal Affairs Service (IAS) at National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsagawa ng masusing imbestigasyon. Ang mga administratibong at kriminal na kaso ay ipagpapatuloy laban sa mga sangkot.
Binigyang-diin ni Gen. Marbil ang walang humpay na pagsisikap ng PNP na linisin ang hanay nito at itaguyod ang propesyonalismo.
“Nililinis natin ang ating mga hanay—walang takot, walang pabor. Karapat-dapat ang mga Filipino sa isang kapulisan na kanilang mapagkakatiwalaan,” aniya. | via Jaymark Dagala