Naglabas ng ilang paalala para sa mga mananampalataya ang Environmental Group na Ecowaste Coalition para mapanatiling mapayapa at malinis ang paggunita ng Semana Santa sa bansa.
Sa isang pahayag, nanawagan ang EcoWaste sa mga debotong Pilipino na gunitain ang Mahal na Araw sa paraang makakalikasan na iwas basura at polusyon.
Kasama sa panawagan nito ang paggamit ng recycled na materyales para sa Pabasa ng Pasyon.
Maghain ng pagkain para sa “Caridad” gamit ang reusable na lalagyan at maglakad o magbisikleta sa Visita Iglesia.
Panatilihin ding walang basura, usok, o vape ang “Alay-Lakad” sa Antipolo sa Huwebes Santo.
Gawin ding makabuluhan at hindi magastos ang Easter games para sa mga bata.
Hinikayat din ng grupo ang mga Katoliko na subukan ang meatless na pag-aayuno ngayong Semana Santa, dahil ang plant-based na pagkain ay nakatutulong upang mabawasan ang carbon footprint ng bawat isa. | ulat ni Merry Ann Bastasa