Nagpakalat ng karagdagang puwersa ang Philippine National Police (PNP) ngayong Semana Santa upang tiyakin ang seguridad at kapayapaan sa buong bansa.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, inihayag ni PNP Public Information Office Chief PCol. Randulf Tuaño na nasa 25,000 pulis ang idineploy sa iba’t ibang lugar upang tumulong sa pagbabantay sa publiko ngayong bakasyon.
Ayon kay Col. Tuaño, sinimulan ang deployment noong April 14 at magtatagal hanggang April 20.
Kasabay ito ng direktiba ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang police visibility sa mga checkpoint, chokepoint, pantalan, at mga simbahan upang maagapan ang anumang banta sa seguridad. | ulat ni Diane Lear