Patuloy ang isinasagawang pagbabantay ng Philippine Coast Guard (PCG) upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero ngayong Semana Santa 2025.
Mula 12:00 AM hanggang 6:00 AM ngayong Linggo, Abril 13, umabot sa 12,899 ang outbound passengers habang 9,523 naman ang inbound passengers sa mga pantalan sa buong bansa. Nag-deploy ang PCG ng 3,397 frontline personnel sa 16 na distrito upang magsagawa ng inspeksyon sa 328 barko at 63 motorbanca.


Sa Manila North Harbor Port, dumating kaninang 11:30 AM ang MV St. Michael the Archangel mula Bacolod at Iloilo na may sakay na 414 pasahero, na patuloy ding binigyan ng assistance ng PCG bilang bahagi ng mahigpit na pagbabantay nito sa naturang pantalan. Inaasahang aalis muli ang naturang barko bandang alas-tres ng hapon patungong Davao, General Santos, Iloilo, Dumaguete, Dipolog, at Zamboanga.

Naka-heightened alert na rin ang lahat ng yunit ng PCG mula Abril 13 hanggang Abril 20. Pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang opisyal na Facebook page o tumawag sa Coast Guard Public Affairs Service sa 0927-560-7729 para sa mga katanungan ukol sa biyahe sa karagatan ngayong Semana Santa. | ulat ni EJ Lazaro

COURTESY: PCG