Para matiyak ang seguridad ng mga kasapi ng media ngayong paparating na halalan, muling pakikilusin ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at ng Philippine National Police ang Media Security Vanguards.
Pinangunahan nina PTFoMS Executive Director Jose A. Torres Jr., kasama sina PCO Sec. Jay Ruiz, PNP SOSIA Chief PBGen. Marlou Roy Alzate at iba pang opisyal mula sa DOJ, DILG at COMELEC ang paglulunsad ng inisyatiba.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing prayoridad ang kaligtasan ng mga mamamahayag na may malaking papel na ginagampanan lalo ngayong panahon ng eleksyon.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Jose A. Torres Jr., tututukan ng Media Vanguards ang pagtugon sa anumang banta o karahasan laban sa mga kasapi ng media.
Sa ilalim ng PTFOMS-PNP Media Vanguards, magdedeploy ng specialized teams na tutugon sa mga natatanggap na banta sa buhay ng media personnel.
Pinuri naman ni PCO Sec. Jay Ruiz ang inisyatibong ito na magtitiyak aniyang mananatili ang magandang record sa ilalim ng Marcos Admin kung saan walang mamamahayag ang nasawi noong 2024.
Ayon sa kalihim, sa hakbang na ito, mananaig ang malayang pamamahayag ng mga kasapi ng media.
Suportado naman ng COMELEC ang hakbang na ito lalo pa’t itinuturing na ring election offense ang anumang pagbabanta, o pananakit sa sinumang media personnel. | ulat ni Merry Ann Bastasa