Maghahain ng kasong administratibo ang Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) laban sa mga operatiba ng Eastern Police District- Special Operations Unit (EPD-SOU) na sangkot sa umano’y iligal na pag-aresto at pangingikil sa isang Chinese national.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, may malinaw na paglabag sa mga police procedures kabilang na ang hindi paggamit ng body-worn cameras, sinadyang pagwasak ng CCTV cameras at footage, at hindi tamang pag-turnover ng mga nakumpiskang gamit.
Lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon na posibleng may mas mataas na opisyal na sangkot sa kaso dahil sa kapabayaan o pagpayag sa iligal na operasyon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pre-charge investigation ng IAS laban sa mga sangkot na pulis, habang inaalam pa kung may iba pang kasabwat sa loob ng SOU. Sinisilip na rin ng IAS ang command responsibility ng kanilang mga superior.
Giit ni Dulay, hindi titigil ang IAS hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng may sala. Aniya, kailangang manaig ang rule of law at accountability sa hanay ng kapulisan, lalo na at nakataya ang tiwala ng publiko.
Nabatid na patong-patong na kasong kriminal na rin ang naisampa laban sa mga sangkot bukod pa sa kasong administratibo. | ulat ni Diane Lear