Mabigat ang naging mensahe ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa buong hanay ng pulisya.
Ito’y makaraang pangunahan nito ang lingguhang flag raising sa Kampo Crame ngayong umaga.
Sa kaniyang talumpati, hamon ng PNP Chief sa mga pulis: sama-samang ibalik ang dignidad ng kanilang hanay.
Ngayong nalalapit na aniya ang #HatolNgBayan2025, hiningi ni Marbil ang tulong ng mga pulis na ayusin ang kanilang minamahal na organisasyon.
Ginawa ng PNP chief ang pahayag makaraang masangkot ang nasa walong (8) tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa kaso ng HULIDAP sa isang Chinese national sa Las Piñas City noong isang linggo. | ulat ni Jaymark Dagala