Muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang commitment na hahabulin at pananagutin sa batas ang mga kriminal gaano man katagal silang nagtatago.
Ito ang inihayag ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil makaraang papurihan nito ang Police Regional Office 3 sa pagkakaaresto kay Alan Dennis Sytin.
Si Dennis ang siyang itinuturong utak umano sa pagpatay sa sarili nitong kapatid na si Dominic Sytin noon pang 2018 subalit nagtago sa iba’t ibang bansa sa loob ng anim (6) na taon.
Ayon kay Marbil, napatunayan na kahit matagal na ang kaso, nananatili aniyang epektibo ang ugnayan sa pagitan ng PNP sa foreign counterparts nito para maaresto ang suspek.
Magugunitang inihayag ni Marbil na ang pagkakaaresto kay Sytin ay patunay na walang ‘cold case’ sa PNP dahil kanila itong tinututukan anuman ang estado nito. | ulat ni Jaymark Dagala