Naka-high alert na ang Philippine Red Cross (PRC) para umalalay sa mga biyahero at bakasyunista ngayong Semana Santa.
Ayon sa PRC, aabot sa 1,840 volunteers at 313 staff ang kanilang ipinakalat para sa kanilang Oplan Semana Santa para tiyakin ang kahandaan nila sa pagtugon sa emergency.
Nakalatag na rin ang nasa 375 first aid stations at 137 welfare desk sa iba’t ibang lugar sa bansa gayundin ay nakakalat na rin ang mga asset ng PRC.
Kabilang na sa mga naka-standby ang mga ambulansya, foot patrol teams, roving mobile units at service vehicles na nakatalaga sa iba’t ibang areas of convergence.
Partikular na rito ang mga simbahan, pilgrim sites, bus terminal, paliparan, pantalan gayundin ang mga tourist destination.
Kasunod nito, hinikayat ng PRC ang publiko na tumawag sa kanilang 143 hotline sakaling makaranas ng emergency. | ulat ni Jaymark Dagala