Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na manatiling alerto, disiplinado, sundin ang batas trapiko at tiyakin ang seguridad sa paggunita ng mga Semana Santa
Ito ang apela ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, partikular na sa mga bibiyahe sa mga lalawigan para doon gunitain ang banal na linggong ito gayundin ay samantalahin ang long weekend para magbakasyon.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Marbil, na kaisa sila sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat isaalang-alang ng lahat ng bibiyahe ang kanilang kaligtasan at iwasan ang pagiging “kamote” sa lansangan.
Partikular na ipinaalala ng PNP Chief sa mga motorista, na sundin ang BLOWBAGETS bago bumiyahe o ang Brake, Light, Oil, Water, Battery, Air (para sa gulong), Gas, Engine, Toolkit at Sarili (o ang kalagayan ng driver).
Batay sa datos ng PNP Highway Patrol Group buhat noong 2024, aabot sa 17 aksidente ang naitala na mas mababa kumpara sa 19 na naitala noong 2023. | ulat ni Jaymark Dagala