Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng motorista na pairalin ang disiplina at responsableng pagmamaneho ngayong Semana Santa.
Kasunod ito ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa disiplina at hinahon sa kalsada, lalo na matapos ang insidente ng road rage sa Antipolo City.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, dapat manatiling kalmado at magpakita ng respeto sa kapwa motorista sa gitna ng inaasahang pagsisikip ng trapiko, at pagtaas ng bilang ng mga bibiyahe ngayong Semana Santa.
Hinikayat din ng PNP ang publiko, na imbes na kunan ng video ang mga gulo para i-upload sa social media, mas mainam na tumawag agad sa mga awtoridad upang maagapan ang sitwasyon.
Tiniyak ng PNP, na patuloy ang kanilang pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at Land Transportation Office upang paigtingin ang kampanya sa road safety. | ulat ni Diane Lear