Nilinaw ni DILG Sec. Jonvic Remulla na hindi basta ipapadeport ng pamahalaan ang kontrobersyal na Russian-American content creator na si Vitaly Zdorovetskiy na nambastos ng ilang pilipino at ginawa pa nitong content habang bumibisita sa bansa.
Sa pulong balitaan sa DILG, iniharap ni Sec. Remulla ang vlogger na idineklara nang ‘undesirable alien’ at nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ ng Bureau of Immigration.
Patong patong na kaso umano ang kahaharapin ng vlogger na may kinalaman sa pang-aagaw nito ng baril sa isang sekyu, pambabastos sa isang senior at harassment.
Hindi rin umano agad ipapadeport si Vitaly Zdorovetskiy at mananatili sa detention facility ng BI hanggat wala hatol ang lahat ng kaso nito sa bansa.
Babala naman nito sa lahat ng mga bumibisitang vlogger, dayuhan man o hindi, igalang ang batas ng Pilipinas, maging responsable, at huwag gumawa ng mga “kupal” content.
Bukod naman kay Vitaly, sunod na tutuntunin ng DILG ang mga kasama sa vlog ng dayuhan kabilang na ang kanyang pinoy cameraman na sasampahan din ng kaparehong mga kaso. | ulat ni Merry Ann Bastasa