Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang panukalang magkaroon ng mandatory certification sa Solar Energy Systems ay upang matiyak na hindi tatambakan ang Pilipinas ng mga substandard at hindi ligtas na solar products.
Sa pahayag na inilabas ng DTI binigyang diin ng ahensya na ang sertipikasyon ay hindi naman para sa mga installation o paglalagay ng solar products kundi para sa mismong mga produkto na ibebenta sa bansa.
Ang mga manghihingi din nito ay hindi naman ang mga magpapalagay ng solar products sa kanilang bahay kundi manufacturers, distributors at importers.
Giit pa ng DTI, nais lang nilang matiyak na pasok sa Philippine National Standard ang mga mabibili ng mga PIlipino at hindi mabilis masira o delikado na maaaring magdulot ng sunog o iba pang aksidente sa bahay.
Base naman sa draft regulation ang mga produktong dapat mapa-certify na ligtas ng mga distributor ay mga Solar Panels, Battery Energy Storage Systems, Inverters o Battery Charge Controllers at cables o rapid shutdown devices.
Sa ngayon hindi pa naman ito ipinatutupad ng DTI at patuloy pa nilang pinag-aaralan pero handa silang tumanggap ng mga suhestiyon hanggang sa July 25, 2026. | ulat ni Louisa Erispe