Nananatiling nasa ilalim ng kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa kabila ng paglilipat sa kanya sa isang pribadong ospital.
Ito ay dahil ang pinayagan lamang ng Sandiganbayan ay ang pagkustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co na alas-11 kagabi nang mailipat sa isang pribadong ospital sa Metro Manila si Bonoan.
Ayon kay Co, bandang alas-10 kagabi ay namonitor na tumaas ang blood pressure ni Bonoan mula 140/70 hanggang 160/100.
Sinabi ni Co na inirekomenda ng mga doktor ng PNP General Hospital na isang Level 2 hospital, na ilipat si Bonoan sa ibang ospital dahil hindi sapat ang mga kagamitan nito para sa kanyang kondisyon dahil sa “elevated heart condition.”
VSOT: Narito ang bahagi ng pahayag ni PCol. Allen Rae Co.
Sa ngayon, stable na umano ang kondisyon ni Bonoan.
Tiniyak naman ng PNP na bantay-sarado ng mga pulis ang dating kalihim at limitado lamang ang mga maaaring makalapit sa kaniya. | via Diane Lear