Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan 7th Division ang mosyon ni dating House Speaker Martin Romualdez na bawiin ang ipinataw na Precautionary Hold Departure Order o PHDO laban sa kanya kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y flood control scam.
Sa resolusyong inilabas noong June 1, pinagtibay ng korte ang bisa ng travel ban laban kay Romualdez.
Ayon sa Korte, hindi umano nakapagpakita si Romualdez ng sapat na dokumento para patunayan ang pangangailangang magpagamot sa Singapore, kabilang ang medical records, kumpirmadong iskedyul ng konsultasyon, o ebidensyang hindi maaaring gawin sa Pilipinas ang kinakailangang gamutan.
Ayon pa sa hukuman, may sapat umanong motibo si Rep. Romualdez na umiwas sa hurisdiksyon ng mga awtoridad dahil sa bigat ng mga kasong kinahaharap at mga posibleng parusa kabilang ang pagkakakulong, multa, at forfeiture ng mga ari-arian.
Dahil dito, nananatiling epektibo ang PHDO laban kay Romualdez habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa