
Nabigo ang Pilipinas sa bid nitong masungkit ang isang non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC) matapos kapusin sa boto laban sa bansang Kyrgyzstan.
Sa katatapos lamang na eleksyon ng UN General Assembly (UNGA) sa New York City, nakakuha lamang ang Maynila ng 49 na boto kumpara sa 142 boto na nakuha ng Kyrgyzstan.
Hindi naabot ng Pilipinas ang kinakailangang two-thirds majority o hindi bababa sa 128 na boto mula sa 191 miyembrong estado ng UN na dumalo at bumoto.
Bago ang pinal na resulta, sumalang pa sa tatlong karagdagang rounds ng botohan ang UNGA. Sa unang round, nakakuha ang Pilipinas ng 85 boto laban sa 105 ng Kyrgyzstan. Patuloy na bumaba ang boto ng Maynila sa ikalawa at ikatlong serye ng balota kung saan nakakuha ito ng 81 at 68 na boto, habang patuloy namang umakyat ang Kyrgyzstan sa 110 at 123 na boto.
Sa kabila ng pagkatalo, inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa “Tess” Lazaro na lubos na iginagalang ng Pilipinas ang desisyon ng mga bansang kasapi ng UN at ipinaabot ang pagbati sa Kyrgyzstan.
“Pinasasalamatan namin ang pandaigdigang komunidad sa suporta at magandang kaloobang ipinamalas sa Pilipinas sa buong panahon ng aming kandidatura,” pahayag ni Lazaro. “Ang aming kampanya ay nakasandig sa aming matagal nang komitment sa kapayapaan, diyalogo, batas internasyonal, at kooperasyon ng mga nasyon.”
Binigyang-diin din ng kalihim na mananatiling tapat ang Pilipinas sa pakikipagtulungan sa lahat ng bansa upang isulong ang kapayapaan, katatagan, napapanatiling pag-unlad (sustainable development), at isang rules-based international order.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na uupo ang Kyrgyzstan sa makapangyarihang konseho, matapos nitong mapanalunan ang nag-iisang upuang nakalaan para sa rehiyon ng Asia-Pacific.
Bukod sa Kyrgyzstan, matagumpay ring nakuha ng mga bansang Austria, Portugal, Trinidad and Tobago, at Zimbabwe ang apat pang bakanteng upuan para sa terminong 2027 hanggang 2028. Papalitan ng limang bagong halal na miyembro ang mga bansang Pakistan, Denmark, Panama, Somalia, at Greece na nakatakdang magtapos ang termino sa Disyembre 31, 2026.
Ang UNSC ay binubuo ng 15 miyembrong estado. Lima sa mga ito ang permanenteng miyembro na kinabibilangan ng China, France, Russia, United Kingdom, at United States. Sa ilalim ng UN Charter, lahat ng kasaping bansa ay obligadong sumunod sa mga ipatutupad na desisyon ng konseho.