Nag-hire ng higit sa 11,000 manggagawa sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) ang Department of Labor and Employment (DOLE)-6, katuwang ang Department of Education (DepEd), upang tumulong sa paghahanda para sa pagbubukas ng klase.
Inihayag ng DOLE-6 na may 11,896 TUPAD workers ang hinire upang mag-assist sa 751 pampublikong paaralan sa rehiyon, kung saan umabot sa mahigit P72 milyon ang inilaang pondo para sa nasabing programa.
Kabilang sa mga magiging tungkulin ng mga manggagawa ang campus clean-up, minor repairs, landscaping, at iba pang maintenance works bilang pagsisiguro na malinis at angkop para sa mga estudyante at guro ang mga paaralan sa pagbabalik ng klase.
Sa kabuuang bilang na mahigit 11 libong benepisyaryo, mahigit 1,700 ang mula sa Aklan; mahigit 800 sa Antique; mahigit 2,100 sa Capiz; mahigit 500 sa Guimaras; at mahigit 6,600 naman sa Iloilo.
Nagsimula nang mag-render ng trabaho ang mga benepisyaryo noong Mayo 19 hanggang Hunyo 26, at sila ay tatanggap ng P550 na arawang sahod.
Ayon kay DOLE-6 Regional Director Atty. Sixto Rodriguez Jr., patuloy ang departamento sa pagbibigay ng mga programang hindi lamang naghahatid ng emergency at short-term employment, kundi tumutulong din sa pagpapatatag at paghahanda ng mga paaralan at ng mga pasilidad nito para sa pagbubukas ng klase. | ulat ni Merianne Grace Ereñeta | Radyo Pilipinas Iloilo
DOLE FO-6

