Nakiisa ang Department of Labor and Employment – DOLE o DOLE Caraga Regional Office sa DepEd Philippines sa nationwide kick-off ng Brigada Eskwela 2026 sa lalawigan ng Agusan del Norte.
Inilunsad ang Brigada sa Cabadbaran City National High School sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, at sinuportahan naman ng LGU Cabadbaran at Provincial Government of Agusan del Norte.
Ayon sa School Head ng Cabadbaran City National High School – Senior High Level na si Ms. Zandy Cabradilla, naging malaking ambag sa katagumpayan ng Brigada Eskwela sa kanilang paaralan ang TUPAD program. Naging mas mabilis aniya ang paglilinis at pagsasaayos ng mga silid-aralan.
Labis naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo ng TUPAD sa Cabadbaran City, isa na dito si Checkie Adiong na may anak na Grade 12 ngayong pasukan. Aniya, ang sweldong matatanggap ang siyang ipambibili ng mga gamit-pang-eskwela.
Batay sa tala ng DOLE Caraga, halos anim na libo ka tao ang nakabenepisyo sa TUPAD Program para sa Brigada Eskwela sa buong Caraga Region. Umabot sa halagang P24.3 million ang inilaang pondo para sa rehiyon. | ulat ni May Diez | Radyo Pilipinas Butuan



