Higit na ipapalapit ng University of the Philippines Open University (UPOU) ang mga serbisyo nito sa mga mag-aaral sa Tarlac Province at mga lugar sa Northern Luzon sa pamamagitan ng lilikhaing Tarlac Learning Hub.
Maisasakatuparan ang inisyatiba sa pagtutulungan ng UPOU, Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac, at Lokal na Pamahalaan ng Tarlac City.
Inilarawan ni UPOU Chancellor Dr. Joane V. Serrano ang inisyatiba bilang stratehiko dahil na rin sa umiiral na UP School of Health Sciences sa parehong lungsod.
Sa paglalahad ni Dr. Serrano, mayroon nang mga naunang learning center na itinayo kasabay ng pagkakatatag ng University of the Philippines Open University (UPOU) noong 1995. Gayunman, kasabay ng pagbabago at pag-unlad ng mga programa ng unibersidad ay unti-unting nawala ang mga ito. Aniya, sa paglipas ng panahon ay napagtanto ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga espasyo para sa kolaborasyon, interaksyon, at mas makabuluhang ugnayan ng mga mag-aaral.
Dahil dito, ang lilikhaing learning hubs sa Tarlac City ang kauna-unahan sa ilalim ng bisyon ng UPOU na distributed centers.
Handog ng learning hub ang iba’t ibang serbisyo kasama na ang pagiging admissions at information center, learning center para sa mga estudyante, partnership center para sa mga Lokal na Pamahalaan at mga paaralan, at convergence center para sa mga volunteer ng UP Pahinungod. | ulat ni Ricky Casipit | Radyo Pilipinas Dagupan



