Sa muling pagbubukas ng klase at pagtaas ng presensya ng mga mag-aaral sa internet, pinaigting ng pamahalaan sa pamamagitan ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang mga hakbangin nito upang labanan ang bullying at cyberbullying sa bansa.
Sa panayam sa #Boses, pinaalalahanan ni CWC Executive Director Undersecretary Angelo Tapales ang publiko ukol sa panganib ng mga algorithm sa social media at gaming platforms na posibleng maging mitsa ng adiksyon o magdala sa mga bata sa mga maling nilalaman gaya ng karahasan at sekswalidad.
Ayon kay Usec. Tapales, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang CWC sa mga dambuhalang social media at gaming platforms upang matiyak na magkakaroon ng mga feature na angkop at ligtas para sa iba’t ibang age brackets ng mga kabataan.
‘Safe by Design, Private by Design’
Binigyang-diin ng opisyal na hindi dapat iaasa lamang sa kakayahan ng mga magulang o ng mga bata ang kaligtasan sa paggamit ng mga application.
“Ang safety ng bata po sa internet should not depend on the ability of parents and children to navigate your platform. Marami pong dinosaur sa atin, ‘di tayo marunong, so you have to make it safe by design ang sinasabi namin sa kanila,” pahayag ni Tapales.
Iginiit ng CWC na kung iaasa lamang sa pag-adjust ng privacy settings ang kaligtasan, marami pa ring bata ang madaling mabibiktima ng mga cyberbully at online sexual predators dahil hindi lahat ng pamilya ay bihasa sa teknolohiya. Sa pamamagitan ng “safe and private by design,” awtomatikong poprotektahan ng mismong sistema ng app ang account ng bata nang hindi nangangailangan ng kumplikadong configuration.
Sapilitang Pag-aaral sa Teknolohiya
Kasabay nito, nag-iwan din ng hamon si Usec. Tapales sa mga magulang na huwag talikuran ang modernong teknolohiya para na rin sa proteksyon ng kanilang mga anak habang sumasabay sa mga pangangailangan sa paaralan.
“Hindi po natin pwedeng iwasan ang pag-aaral po ng cyberspace, ng internet, at mga gadgets and applications… Otherwise, hindi po natin mababantayan ang ating mga bata po,” paalala niya.
Dagdag pa ng opisyal, kasalukuyan ding itinutulak sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang batas na maglilimita at magreregula sa pangongolekta ng mga pribadong impormasyon at credentials mula sa mga menor de edad upang hindi sila maging target ng mga mapanirang algorithm.
Sa pagtatapos, nag-iwan ng isang malalim na paalala ang CWC sa buong lipunan ukol sa kahalagahan ng agarang pagkilos para sa kapakanan ng mga bata ngayong pasukan.
“We always say ang mga bata ang ating kinabukasan, pero we always forget na hindi lang sila kinabukasan, sila rin po ang ating kasalukuyan, ano. So, mahalin at protektahan po natin silang lahat,” panawagan ni Tapales. | PBS Digital Jae