Tinawanan lamang ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang ulat hinggil sa umano’y pagbabawal sa kaniya at sa kaniyang pamilya na tumungtong ng China.
Kaugnay ito sa ikinasang raid ng mga awtoridad sa Philippine – Sanjia Steel Corporation sa Misamis Oriental, na tinawag ng Chinese Embassy na diskriminasyon sa kanilang kalahi o mamamayan.
Ayon kay Teodoro, wala siyang ano mang asset sa China at wala rin siyang balak magtungo roon.
Naisin man niyang dumalaw sa China dahil sa yaman ng kultura, mababait na tao, at masasarap na pagkain, natatabunan ito ng klase ng pamahalaang mayroon sila.
Kaugnay nito, nanindigan ang pamahalaan na lehitimo ang pagpapasara sa naturang pabrika ng bakal at hindi ito nakabatay sa nasyunalidad o pulitika.
Nakitaan ito ng iba’t ibang paglabag gaya ng radioactive hazard, dahilan para ipatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon nito.
Una nang pinangalanan ng kalihim ang negosyanteng si Tony Yang na kapatid ng tagapayo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang. | ulat ni Jaymark Dagala