Mas pinaiigting pa ng Department of Agriculture – Philippine Carabao Center (DA-PCC) ang pagpaparami ng Dairy Box sa buong bansa.
Ayon kay DA-PCC – Don Mariano Marcos Memorial State University Director Vilma Gagni, plano nilang magkaroon ng Dairy Box sa Metro Manila at Baguio City, Benguet dahil malaki ang market dito.
Dagdag pa niya na malaki ang naitulong ng mga lokal na opisyales ng pamahalaan sa paraan at pagbibigay ng pwesto na pagtatayuan ng Dairy Box.
Ipinunto pa niya na malaking tulong ang Dairy Box sa kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa kanila napupunta ang kita.
Sa Dairy Box, mabibili ang mga dairy product na gawa sa sariwang gatas ng kalabaw tulad ng fresh milk, chocomilk, lactojuice, yogurt, polvoron, espasol, cookies, karabun at meat products gaya ng tapa, pastil, longganisa, siomai at iba pa.
Binigyang-diin pa ni Gagni na nagsasagawa sila ng pagsasanay kada quarter upang matiyak na malinis at ligtas kainin ang mga nabanggit na produkto na walang halong preservatives.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 97 Dairy Box ang nakatayo sa bansa na pinangangasiwaan ng mga kooperatiba. | via Christopher Tirambulo