Patuloy na pinaghahandaan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, katuwang ang Department of Labor and Employment o DOLE, ang mas magandang kinabukasan ng mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng Kabataang Trabaho Konek JobStart Program.
Sa ika-siyam na araw ng 10-day skills training, 205 kabataan mula sa Batch 4 ang sumasailalim sa pagsasanay sa workplace preparedness, responsible financial management, at iba pang mahahalagang employment skills.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nakatulong ang mga interactive discussions at role-playing activities upang matutunan ng mga kalahok ang customer service, conflict resolution, at wastong paghawak ng pera bilang paghahanda sa kanilang trabaho sa hinaharap.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na pagtutulungan ng DSWD at DOLE, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang mapalawak ang oportunidad sa trabaho para sa kabataan.
Bukod sa pagsasanay, tumatanggap din ang mga kalahok ng Php695 kada araw na cash-for-training assistance sa ilalim ng KALAHI-CIDSS program ng DSWD.
Isa sa mga benepisyaryo, si Kristine Joy Mendoza, ang nagpahayag ng pasasalamat matapos magamit ang kanyang natutunan sa job interviews na nagbigay-daan upang makakuha siya ng trabaho bilang factory worker sa Taiwan.
Ang Kabataang Trabaho Konek JobStart Program ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan upang mapalakas ang employability, workforce readiness, at access ng mga kabataan sa matatag na hanapbuhay. | ulat ni DK Zarate