Pinaiigting ng Department of Labor and Employment o DOLE ang modernisasyon ng National Labor Relations Commission o NLRC.
Sa kanyang pagbisita sa pangunahing tanggapan ng NLRC, nakipagpulong si Labor Secretary Francis Tolentino kay NLRC Chair Grace Maniquiz-Tan at iba pang opisyal upang talakayin ang mga hakbang para mapabilis at mapahusay ang paghahatid ng hustisya sa mga manggagawa.
Ayon kay Tolentino, hindi niya babaguhin ang kasalukuyang mahusay na sistema ng NLRC kundi magdaragdag lamang ng kaunting inobasyon upang higit itong mapabuti.
Kabilang sa kanyang mga plano ang pagtatatag ng National Academy for Labor Justice para sanayin at paunlarin ang kakayahan ng mga labor arbiter, commissioner, at mga abogado ng DOLE.
Suportado rin ng kalihim ang plano ng NLRC na magtayo ng mga satellite office sa mga lugar na maraming nakabinbing kaso, partikular sa National Capital Region, Central Luzon, at CALABARZON.
Pinalalawak din ng DOLE ang Government Internship Program sa pakikipagtulungan sa mga unibersidad upang makapag-deploy ng mga estudyante sa larangan ng batas at IT bilang paralegal at IT staff sa NLRC.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, sinabi ni Tolentino na layunin ng DOLE at NLRC na magkaisa upang matiyak ang mahusay at maaasahang serbisyo para sa mga Pilipino. | via DK Zarate