Ilatag ang mga ebisenya kasabay ng paga-akusa. Ito ang binigyang diin ni Communications Usec. Claire Castro makaraang lumantad sa hearing ng Senado si Bernard Tube, isa sa mga dating marine na nagtatrabaho umano kay Zaldy Co.
Kung matatandaan, sinabi ni Tube na kasama umano siya ni Zaldy Co sa pag-deliver ng mga maletas na mayroong lamang pera, sa bahay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Paoay, Ilocos Norte.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Castro na ipakita muna dapat ang ebidensya.
Masyado kasi aniyang madaling mag-turo, lalo na kung ang layunin ng isang indibidwal ay manggiba, o magsilbing isang obstructionist o destabilizer ng pamahalaan.
Pagbibigay diin ni Castro, dapat patunayan ng mga ito ang kanilang mga bintang nang mayroong kaakibat na dokumento o ebidensya, at hindi puro salita lamang.
“Pakita muna nila iyong ebidensiya, madali kasing magturo. Lalo na kung balak mo lang naman talaga ay manggiba at magsilbing isang obstructionist o destabilizer. So, dapat patunayan nila, bigyan nila tayo ng dokumento at hindi iyong salita lamang.” -Catro. | ulat ni Racquel Bayan