Courtesy of PNP
Inatasan ni PNP Chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Legal Service na ipabatid sa Sandiganbayan na hindi na maaaring tumanggap ng mga high-profile detainee ang PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ito ang naging tugon ng Pambansang Pulisya sa kahilingan ni Senador Jinggoy Estrada na mailipat ang kanyang kustodiya sa pasilidad ng PNP.
Ayon kay Nartatez, nakatakda nang isailalim sa rehabilitasyon ang Custodial Center at balak ding gamitin ang bahagi nito bilang mga opisina bunsod ng pagdami ng mga tauhan ng PNP.
Sinabi rin niya na may iba pang custodial facilities na ligtas, mahigpit ang seguridad, at mas komportable para sa mga detainee kumpara sa Custodial Center sa Camp Crame.
Matatandaang kabilang sa mga pansamantalang nakulong sa PNP Custodial Center si Mamamayang Liberal Representative Leila de Lima, KOJC leader Apollo Quiboloy, dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, at iba pa, at iba pang personalidad na nahaharap sa mga kaso. | ulat ni Diane Lear