Diocese of Borongan
Isang makasaysayan at makabuluhang pagbisita ang naganap Huwebes, Hunyo 4, 2026, matapos pormal na tanggapin ng buong lalawigan ng Eastern Samar ang Apostolic Nuncio sa Pilipinas, ang Kanyang Kabunyian Arsobispo Charles John Brown, D.D., para sa isang banal na pagbisitang pastoral.
Ang makasaysayang okasyon ay sinimulan sa pamamagitan ng isang solemneng Rite of Liturgical Reception sa mismong pintuan ng Cathedral ng Borongan, na sinundan ng isang enggrandeng Civic Reception. Ito ay bilang pagpapakita ng matatag na pagkakaisa at pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaang sibil at ng Simbahang Katolika.
Magkakasamang nag-abot ng kanilang mainit na pagtanggap at pagpupugay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Eastern Samar, Pamahalaang Lungsod ng Borongan, at ang Diyosesis ng Borongan. Personal na naghatid ng kanilang mga mensahe at natatanging handog (tokens of appreciation) para sa sugo ng Santo Papa sina Governor RV Evardone (kinatawan ng Lalawigan ng Eastern Samar), Mayor Jose Ivan “Dayan” Agda (kinatawan ng Lungsod ng Borongan)at Most Rev. Crispin B. Varquez, D.D. (obispo ng Diyosesis ng Borongan)
Matapos ang seremonya ng pagtanggap, pinangunahan ni Arsobispo Brown ang isang Banal na Misa na dinaluhan ng mga pinuno ng simbahan, mga relihiyosong komunidad, at daan-daang mga deboto mula sa iba’t ibang dako ng lalawigan.
Ang tampok na bahagi ng pagbisita ng Nuncio ay ang inagurasyon at pagbabasbas sa bagong tayong pasilidad ng diyosesis—ang Diocesan Multipurpose Building na matatagpuan sa Sitio Balatic, Oikos Village, Barangay Balud II. Ang modernong sentrong ito ay itinayo upang magsilbing opisyal na retirement home at suportang medikal para sa mga matatanda at retiradong pari ng diyosesis na nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa mamamayan.
Bilang Apostolic Nuncio, si Arsobispo Charles Brown ang opisyal na kinatawan ni Papa Leo XIV at embahador ng Santa Sede (Vatican) sa pamahalaan ng Pilipinas. Siya ang nagsisilbing vital na tulay na nag-uugnay sa Vatican, sa lokal na Simbahan, at sa mga sibil na awtoridad upang mapanatili ang bukas na komunikasyon at pagtutulungan para sa ikabubuti ng mga mamamayan ng Eastern Samar.
Ang kanyang pagbisita ay nag-iiwan ng malalim na marka sa kasaysayan ng pananampalataya sa rehiyon, na nagpapatibay sa komunyon ng lokal na simbahan sa unibersal na Simbahang Katolika. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar, RP Borongan
📸 Diocese of Borongan




