Pumalag ang Presidential Task Force on Media Security o PTFOMS sa pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na “bayaran” umano ang ilang miyembro ng media partikular ang mga mamamahayag na nagko-cover sa Senado.
Ayon sa PTFOMS, bukod sa walang basehan ang naturang alegasyon ay maaari din itong magdulot ng banta sa seguridad at kaligtasan ng mga mamamahayag na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin sa ilalim ng demokrasya.
Sinabi rin ng task force na nakakasira sa kredibilidad ng media ang pahayag ni Marcoleta na maaari pa umanong humantong sa panganib para sa mga mamamahayag.
Tungkulin anila ng media na maghatid ng tama, balanse at patas na impormasyon at mahalagang igalang ito ng mga opisyal ng pamahalaan upang mapanatili ang accountability at katotohanan.
Nararapat din anilang patunayan ni Marcoleta ang kaniyang mga alegasyon o bawiin ang mga ito at humingi ng paumanhin sa mga mamamahayag na kaniyang inakusahan.
Muli ring nanawagan ang PTFOMS na igalang ang media at tiyaking nakabatay sa katotohanan ang anumang kritisismo upang mapangalagaan ang malayang pamamahayag na isa sa mga haligi ng demokratikong lipunan. | ulat ni DK Zarate