Matagumpay na isinagawa sa Tacloban City ang paglulunsad ng bagong Unified 911 Satellite Command Center, isa sa apat na bagong satellite centers na itinatag bilang bahagi ng pagpapalawak ng pambansang emergency response system ng bansa.
Ang bagong command center sa Eastern Visayas ay inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng rehiyon na tumugon sa mga emerhensiya, kabilang ang mga sakuna, sunog, aksidente, at iba pang kritikal na insidente. Sa pamamagitan ng pasilidad na ito, mas mapapabilis ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiyang tumutugon sa emerhensiya at mas mapapalapit ang serbisyo sa mga mamamayan.
Isa sa mga tampok ng command center ang pagkakaroon ng mga call taker na bihasa sa Waray at Cebuano, bukod sa Filipino at Ingles, upang matiyak ang mas malinaw at epektibong komunikasyon sa mga tumatawag na nangangailangan ng agarang tulong.
Nakakonekta rin ang pasilidad sa Unified Platform for Communications and Dispatch (UPCAD), na nagbibigay-daan sa real-time na pagbabahagi ng impormasyon, kabilang ang lokasyon ng mga responder, video feeds, at mga ulat mula sa pinangyarihan ng insidente.
Makatutulong ang mga satellite command center sa pagbawas ng pagkaantala sa pagtanggap ng emergency calls at sa pagpapahusay ng kabuuang emergency response system ng bansa.
Sa matagumpay na paglulunsad ng pasilidad sa Tacloban, mas handa na ang Eastern Visayas sa pagbibigay ng mabilis, episyente, at maayos na pagtugon sa mga emerhensiya at kalamidad sa rehiyon. I ulat ni Gevic Epiz I Radyo Pilipinas Sogod