Nakapagsagawa na ng sesyon ang senado kahapon matapos ang dalawang araw na walang sesyon dahil sa kakulangan ng sapat na bilang ng mga senador at hindi pagsipot ng mga senador mula sa dating majority bloc.
Nagka-quorum na kahapon matapos magpakita sa plenaryo si Senador Chiz Escudero at sinamahan ang 11 senador ng dating minority bloc, na mula lunes ay nasa plenaryo at naghintay na magakaroon sila ng sesyon.
Dahil sa pagsama ni Escudero sa grupo nina Senador Vicente Sotto III, nakabuo sila ng 12-man quorum.
Sa isinagawang sesyon, dineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa senado.
Matapos nito ay inihalal ng labindalawa si Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Naghalal rin ng bagong Senate Secretary, Sergeant at Arms at mga bagong chairman ng ilang kumite.
Pinaliwanag naman ni Gatchalian na napilitan silang magpatawag ng senado at pinunto ang hindi pagdalo ni Senate President Alan Peter Cayetano sa dalawang nagdaang session days lunes at martes.
Binanggit rin niya ang Article 6, section 16 ng saligang batas na nagsasaad na hindi maaaring hindi magkaroon ng sesyon ang senado ng higit sa tatlong araw nang walang pahintulot o abiso sa kamara.
Pinaliwanag rin ni Gatchalian na ang 12-man quorum nila kahapon ay nakabatay sa mayorya ng 22 na senador na nasa hurisdiksyon ng senado.
Pinunto nito ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino vs. Cuenco, na nagsasabing ang majority ng 23 na senador ay dose (12) at ito ang bilang para makabuo ng quorum.
Tinukoy rin ang precedent na sesyon noong May 5, 2015 kung saan ang quorum ay ibinatay sa 17 na senador.
Samantala, sa isang joint statement, naninindigan ang solid bloc 12 o ang bagong majority bloc na hindi na Senate President si Senador Alan Peter Cayetano matapos nilang ideklarang bakante ang lahat ng posisyon.
Giit nila, hindi pa lang naihahalal si Gatchalian bilang bagong senate president dahil nakasaad sa konstitusyon na kailangan ng labintatlong (13) boto para magawa ito.
Sa kabilang banda, naninindigan naman si Cayetano na siya pa rin ang senate president at na ilegal ang ginawang sesyon ng solid bloc 12.
Binigyang diin nito na ayon sa konstitusyon, 13 ang bilang na kinokonsiderang mayorya ng 24 na senador para makapagsagawa ng opsiyal na gawain ang senado. | ulat ni Nimfa Asuncion