RTVM screengrab
Hinihintay na lamang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pinal na bersyon ng Anti-Political Dynasty bill na makarating sa kaniyang tanggapan, upang mapag-aralan at malagdaan.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, makaraang maipasa ang bersyon ng Kamara sa panukalang ito.
Sa mga nagsasabi na baka i-veto o hindi lagdaan ng Pangulo ang panukala, lalo’t maituturing ang pamilya Marcos na isa sa mga may mahabang kasaysayan sa politika, sabi ni Castro, hindi talaga maiiwasan na mayroong mga magbigay ng negatibong komento sa Pangulo.
“Makikita ninyo naman po talaga ang ibang mga tao nais lamang magbigay ng negatibo sa Pangulo. Ang Pangulo nga po ang nagsabi na unahin ito.” -Castro
Ang kailangan aniyang alalahanin ng lahat, si Pangulong Marcos mismo ang nagsusulong ng pagsasabatas ng Anti-Political Dynasty bill.
Priority measure aniya ito ng administrasyon, at una nang sinabi ng Pangulo na nais niyang maisabatas ang panukala sa ilalim ng kaniyang termino.
”Noong nagkaroon ng pagpupulong ang LEDAC, iyan po ang tinutukan ng Pangulo – kinausap niya po mismo nandodoon si Senator Risa Hontiveros at nag-ulat po siya at sinabi op ng Pangulo na tutukan po ito at nais pong maipasa ito sa kaniyang termino.” -Castro | ulat ni Racquel Bayan