Mariing itinanggi ng ilang kongresista ang mga alegasyon na inihayag sa pagdinig ng senate blue ribbon cttee.
Muling pinabulaanan ni Senator Leila De Lima ang mga paratang na tumanggap siya ng maleta ng pera mula sa mga nagpakilalang Marines.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi niya na pawang kasinungalingan ang mga ito.
Anya, nagsampa na siya ng libel at cyberlibel complaint sa NBI at perjury complaint sa DOJ.
Samantala, naniniwala si House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na may layuning sirain ang kredibilidad ng ilang opisyal, lalo na sa gitna ng usapin ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Chua, ang mga kongresistang pinangalanan sa Senado ay kilalang kritiko ni VP Duterte, kaya hindi na nakakagulat ang mga alegasyon laban sa kanila.
Para naman kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, malinaw na political theater at pamumulitika ang palabas sa Senado. Aniya, hindi siya magpapaintimidate sa mga walang basehang akusasyon at recycled narratives.
Ganito rin ang pananaw ni House Justice Committee Chair Gerville Luistro, na ayon sa kanya, layunin ng mga paratang na sirain ang kanilang kredibilidad. | ulat ni Melany Reyes