Humiling si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Kamara na imbestigahan ang $10-milyong ipinangakong kontribusyon ng DOH sa World Health Organization (WHO).
Sa House Resolution (HR) No. 1072, sinabi ni Ordanes na ang halagang ito ay nakalaan upang suportahan ang 14th General Programme of Work ng WHO para sa 2025–2028.
Aniya, bagaman kinikilala ni Ordanes ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga pandaigdigang programa sa kalusugan, iginiit niya na dapat munang isaalang-alang ng DOH ang kasalukuyang kalagayan ng pampublikong sistema ng kalusugan sa bansa.
Aniya, patuloy na nahaharap sa hamon ang sektor ng kalusugan, kabilang ang limitadong kapasidad ng mga pampublikong ospital, kakulangan sa health personnel, at hindi sapat na suplay ng libreng gamot.
Dagdag pa niya, mahalagang malaman kung saan manggagaling ang $10 milyon at kung paano ito makakaapekto sa mga programa ng DOH, pati na rin kung may legal na batayan ang pangako. | ulat ni Melany Reyes