Nakaapekto na ang very strong El Niño sa 16 sa 44 na barangay ng Iligan City, kung saan nakaranas ng matagal na kakulangan sa tubig na nagresulta sa pagbaba ng produksyon ng mga magsasaka.
Ito ang kinumpirma ni City Agriculturist’s (CAg) Office Focal for Agriculture Kevin Fernan, na nagsabing kabilang sa matinding naapektuhan ang mais, kung saan isang magsasaka ang nakaani lamang ng isang tonelada mula sa anim na ektarya, kumpara sa karaniwang tatlong tonelada bawat ektarya.
Batay sa pinakahuling ulat ng tanggapan, mahigit 60 magsasaka at producer mula sa 16 barangay ang apektado, na may 65.75 ektarya na napinsala, karamihan ay mais at palay.
Bilang tugon, sinabi ni Fernan na naghanda na ang tanggapan at City Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Office ng mga binhi, water drums, hose at power sprayer para sa mga magsasakang apektado ng El Niño.
Ibinahagi rin niya na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa national government, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may nakahandang pondo para sa mga hakbang laban sa epekto ng El Niño.
Nagbabala rin si Fernan sa posibleng sunog sa kagubatan sa mga tuyong lugar, lalo na sa mga liblib at kabundukang lugar gaya ng Rogongon, at hinikayat ang mga magsasaka na maging maingat upang maprotektahan ang kagubatan, suplay ng tubig at kalusugan ng mga komunidad.
Inaasahan namang magpapatuloy ang El Niño hanggang unang bahagi ng 2027.